Posts Tagged ‘honor’

UP, Mahal Namin

[Disclaimer: All written here are from the point of view of the writer. This doesn’t necessarily reflect the point of view of the University of the Philippines nor any other person.]

Hindi ka makakatapos sa Unibersidad ng Pilipinas kung hindi mo alam ang UP Naming Mahal na ang melodiya ay nilikha ng tanyag na kompositor at alumno na si Nicanor Abelardo sa pag-iisa ng pitong iba’t-ibang salin sa tulang “UP, Beloved” ni Teogenes Velez. Ang iyong mababasa ay isa lamang paghihimay sa kung ano ba ang ibig-sabihin ng liriko.

UP naming mahal, Pamantasang hirang
Ang tinig namin, sana’y inyong dinggin

Ang Unibersidad ng Pilipinas ang premyadong pamantasan ng ating estado. Sa mahigit na isandaang taon mula ng ito ay itinayo, marami na rin itong pinagdaanan. First quarter storm, RA 9500, sangkatutak na Oblation run (na hinahabol ng UPF. Hahaha. :P) at kung anu-ano pa. Ito ay saksi sa iba’t ibang pangyayari at mga isyu sa loob at labas ng Unibersidad.

Ang UP din ay tahanan ng aktibismo, hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati ng mga guro at mga ibang kawani. Si Wenceslao Q. Vinsons ang kinikilalang “Ama ng Aktibismo sa mga Mag-aaral” ay nag-aral sa UP. At hanggang sa ngayon, nakikita pa rin natin ang mga kaliwa’t kanang protesta sa iba’t-ibang isyu. Large class policy, budget cut, TOFI, at marami pang ibang isyu.

Malayong lupain, amin mang marating
di rin magbabago ang damdamin, di rin magbabago ang damdamin

Marami na ring nagsipagtapos sa ating Unibersidad. Maraming mga syentipiko, politiko, mangangalakal, at kung sinu-sino pang mga kilalang tao ang mula sa UP. Ayon sa Wikipedia, nakapagpatapos ang Unibersidad ng: Pitong (7) Pangulo ng Pilipinas; labindalawang (12) Punong-Mahistrado ng Korte Suprema; Tatlumpu’t-anim (36) na Pambansang Alagad ng Sining at; Tatlumpu’t apat (34) na Pambansang Alagad ng Agham. (Wikipedia Inc.)

Ang tanyag na simbulo ng UP ay ang “Pahinungod”. Ang salitang ito ay galing sa wikang Bisaya na ang kahulugan sa ingles ay “Oblation” o Paghahandog na base sa ikalawang taludtod ng Mi Ultimo Adios ni Gat. Jose Rizal.

Luntian at Pula, sagisag magpakailanman

Ang opisyal na kulay ng Unibersidad at “UP Forest Green”  at “UP Maroon”. (UP Brand Book) Ang kulay pula ay sumasagisag sa katapangan sa paglaban sa kalayaan.

Ating pagdiwang, bulwagan ng dangal

Dangal. Honor sa ingles. Kamakailan, bahagyang napapabayaan ang aspetong ito hindi lamang sa hanay ng mga estudyante kundi sa iba pang sektor ng UP. Kaugnay nito ang salitang “Kagalingan” o Excellence. Bilang isang iskolar, ako ay naniniwala na ang dalawang aspeto na ito ang pinakamahalagang pangalagaan ng isang indibidwal na may kaugnayan sa Unibersidad. Kung ikaw ay isang estudyante, maging magaling sa pag-aaral. Tandaan na hindi lamang ang mga magulang mo o ang inaasahang scholarship ang nagpapa-aral sa iyo. Ikaw ay pinagpapa-aral din ng mga mamamayang nagbabayad ng buwis sa pamahalaan. Pumalya man, hindi mo dapat tinatanggal ang dangal sa iyong pamumuhay. Muli, ang motto ng UP: Dangal at Kagalingan.

Humayo’t itanghal, giting at tapang

Hindi lamang tapang sa kalye ang dapat ipamalas. Tapang sa iba’t-ibang bagay. Tapang na kung saan, hindi mo naisasakripisyo ang kapakanan ng ibang tao at ng sarili mo mismo. Tapang sa academics. Tapang sa katwiran. Kailangan mong ipaglaban ang katwiran mo kung sa tingin mo ay karapatdapat itong ipaglaban.

Mabuhay ang pag-asa ng bayan, mabuhay ang pag-asa ng bayan

Kung sa tinigin mo, nagawa mo na ang dapat mong gawin sa iyong inang bayan. Nararapat lamang na tawagin kang Iskolar ng Bayan at para sa Bayan. Hindi lamang sa Unibersidad natatapos ang pagiging iskolar dahil pagkalabas mo, ikaw ang tinitingalang pag-asa ng Pilipinas upang umasenso ang bayan.

UP naming mahal, Pamantasang hirang
Ang tinig namin, sana’y inyong dinggin
Malayong lupain, amin mang marating
Di rin magbabago ang damdamin. Di rin magbabago ang damdamin

Luntian at pula, sagisag magpakailanman
Ating pagdiwang, bulwagan ng dangal
Humayo’t itanghal, giting at tapang
Mabuhay ang pag-asa ng bayan. MABUHAY ANG PAG-ASA NG BAYAN!


References:

UP System Information Office. (n.d.). UP Brand Book 2007. Retrieved December 2010, 14, from UP Visayas Website: http://www.upv.edu.ph/downloads/files/UPBrandBook2007.pdf

Wikipedia Inc. (n.d.). University of the Philippines – Wikipedia, the free encyclopedia. Retrieved December 14, 2010, from Wikipedia, the free encyclopedia: http://en.wikipedia.org/wiki/University_of_the_Philippines